about the talking fish

My photo
Writer. Wheelman. Occasional DIY mechanic. Walking collection of hang-ups. Hopeless romantic. Old-school. Analog soul in a digital world. I am all of these things and more.

Saturday, January 26, 2008

Liham para kay Cher

Hi. Salamat at nagawa mong sabihin sa akin ang saloobin mo.

Hindi ako magkukunwaring hindi ako nagalit sa iyo. Pero tandang-tanda ko ang una kong naramdaman nung nag-text ka sa akin nung ika-4 ng Enero ang matinding pagkalungkot. Ang dating sa akin ng ginawa mo, parang tinulak mo lang ako palayo kung kailan ginawa ko na ang lahat para lang puntahan ka sa iyong kaarawan. Kaya ako unti-unting nagalit. Masakit ang ginawa mo kasi kaibigan kita, matagal na. Naisip ko natural lang na magkita na rin tayo. Sana man lang sinabi mo nang maaga na hwag na lang ako tumuloy.

Sinabi mo na, tao lamang ako, nagkakamali rin, pikunin at nadadala ng emosyon. Di ako santo o mabuting tao, alam mo na iyon. Madalas akong mabulol kahit sa pag-Inggles. Kaya walang dahilan para ilagay mo ako sa pedestal. Ewan ko kung pwede mo pang bawiin ang ginawa mong pag-angat sa akin sa pedestal, nasa iyo na iyon.

Ikaw lang naman ang pupuntahan ko eh. Eh ano ngayon kung mabagot ako sa Isabel tulad ng sinasabi mo? Problema ko na iyon. Ang mahalaga lang sa akin, magkita tayo at magkasamang magdiwang ng iyong kaarawan. Wala na akong iba pang hangarin.

Kaya inis na inis ako nung sinabi mong pupunta kang Cebu. Di na ako tumuloy sa Isabel kasi wala na akong pupuntahan doon kung wala ka, at mas lalo akong walang alam tungkol sa Cebu kundi ang opisina namin doon. Sa Isabel kahit papaano may address na akong pupuntahan.

Alam mo...hindi ka bobo, hindi ka tanga, hindi ka kahiya-hiya kung ihahambing ka sa akin. Sana ipasok mo na sa kukorte mo iyan. May mga magagawa ka na hanggang sa panaginip ko lang magagaya. Eh ano ngayon kung hindi ka umabot sa inaasahan ng ibang tao sa iyo? Tao ka lang, hindi diyosa. Kung ginawa mo ang lahat para mapasaya ang ibang tao, mamamatay ka nang maaga at nang malungkot. Ang nag-iisang taong kailangan mong pasayahin ay ang iyong sarili. Alam ko iyan kasi naranasan ko na rin iyan at araw-araw kong kalaban ang dwende sa utak kong nagsasabing palagi akong sawi at talunan.

Wala akong inasahan sa iyo. Ang ginusto ko lang makilala ka bilang ikaw. Sana ganoon din ang naging tingin mo sa akin---paano na lang kaya kung hindi ako yung taong naisip mong sobrang galing at kahanga-hanga?

Alam mo pareho tayo ng problema. Masyado tayong nag-iisip, kaya bago pa natin gawin ang gusto nating gawin, natalo na tayo. Masyadong maikli ang buhay para umiral ang takot at hiya. Kaya mo naman iyang itabi eh. Hindi ka natakot nung nag-iwan ka ng comment sa blog ko apat na taon na ang nakalilipas di ba? Walang pinagkaiba ito sa pakikipag-chat natin o sa binalak kong pagkikita natin sa Leyte.

Aaminin ko, habang sinusulat ko ang email na ito nawawala na ang galit ko sa iyo. Hihintayin na lang kitang gumawa ng unang hakbang para mawala ang takot mo sa akin. Ito na siguro ang hinihintay mong "pag-iintindi" na gusto mo mula sa akin. Makikita mo rin balang araw na kailangan mong kalasin ang pedestal na ginawa mo para sa akin. At makikita mo rin, sana, balang araw, na magagawa mo ang lahat ng kaya mong gawin...basta naisip mong kaya mo.

Mag-iingat ka.

JM, isang hamak na tao.





PS. Buksan mo na ang regalo. Sige na. Kung hindi mo yan bubuksan, eh di sino pa? Di mo rin pwede ibigay iyan sa iba dahil may nakasulat na sa loob na para sa iyo lamang.

2 comments:

Joy said...

I smell romance! Or is it pure friendship?

Hey, have you been to my newest and freshest blog?

joy
A Pinay in England
Your Love Coach

JM said...

Hahaha! It's pure friendship, believe it or not. Not every encounter I have with women is romance-driven, Joy :p

A Pinay in England? Yep I think I've been there. Posted a comment to one of your posts...the one about the racial slur.

Powered By Blogger